LIWANAG AT LIGAYA: Ang Makulay na Pagdiriwang ng QUEZELCO II

LIWANAG AT LIGAYA: Ang Makulay na Pagdiriwang ng QUEZELCO II

Nitong ika-10 ng Agosto, 2024, ang ating tanggapan Quezon II Electric Cooperative, Inc. (QUEZELCO II) ay nagdiwang ng ika-46 na anibersaryo sa Punong Tanggapan nito sa Barangay Gumian. Sa temang "Pagdiriwang sa Biyaya ng Liwanag", ang selebrasyon ay puno ng buhay, kulay, at pagsasama-sama ng lahat mula sa pangasiwaan, mga empleyado, hanggang sa Hunta Direktiba. Ang bawat isa'y nagbihis sa tradisyonal na kasuotang pang-nayon—ang mga babae ay naggayak ng baro't saya, habang ang mga lalaki ay nagsuot ng camisa de chino at salawal—isang tunay na pagpapakita ng pagiging makabayan.

Napaligiran ng makukulay na banderitas at dekorasyong Pilipino ang likod na bahagi ng tanggapan kung saan ginanap ang makabuluhang okasyong ito. Ang bawat sulok ay nagpapakita ng kagalakan at kahandaan upang salubungin ang masasayang sandali ng selebrasyon. Ang 3KL Team Building, sa pangunguna nina Teacher Karen, Teacher Titan, at Sir Landz, ang gumanap sa pagpapadaloy ng programang puno ng kasiyahan. Mauulinigan ang mga pamilyar na tugtog Pinoy na pumailanglang sa paligid habang ang bawat isa ay nagsasaya at nasasabik sa mga palaro at kaganapan sa buong araw.

Sinimulan ang programa sa isang mapagpalang pagbabasa ng Bibliya, na sinundan ng pambungad na pananalita mula kay Engr. Von Erwin Azagra, ang Punong Tagapamahala ng QUEZELCO II. Pinasalamatan niya ang lahat sa ating pagsapit sa isa pang mahalagang yugtong ito ng kooperatiba at binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagdiriwang bilang pasasalamat sa biyaya ng liwanag na patuloy na ibinibigay ng kooperatiba. Ang mga mensahe ng pagbati mula sa ating Hunta Direktiba, sa pangunguna ni Pangulo Annie Moises, Halig-Pangulo Odon Oliva, Kalihim Engr. Rowilson Custombrado, at Ingat-Yaman Ramil Resplandor, ay nagbigay inspirasyon at nagdagdag ng diwa sa araw ng pagdiriwang.

Kasabay ng mga pahayag na ito ay nagkaroon ng pagpili sa mga empleyadong may natatanging kasuotan. Sina Josephine Cuento at Jessie Zarsadiaz ang nagwagi sa kategoryang pambabae at panlalaki, na nagpakita ng kanilang husay sa pagdadala at pagpili ng angkop na kasuotang pang-nayon. Sa kabilang banda, ang trivia questions na pinangunahan ni Teacher Karen ay nagdagdag ng karunungan sa masayang pagdiriwang.

Hindi lamang kasalukuyang empleyado ang nagtipon sa okasyong ito, kundi maging ang mga retiradong kawaning patuloy na nagbibigay ng suporta sa ating kooperatiba. Kinilala ang bawat isa sa kanila ni GM Azagra, at binigyang-diin ang mahalagang papel na kanilang ginampanan sa pagpapatibay ng pundasyon ng QUEZELCO II. Naroon din ang mga bisita mula sa Renesons Energy Polillo sa pangunguna ng kanilang President at CEO Gerwyn See, na siyang nagbibigay ng kuryente sa mga bayan ng Polillo, Burdeos, at Panukulan.

Matapos ang mga ito ay mas lalong tumaas ang enerhiya ng bawat isa sa pagdako sa pagtatanghal ng “yell” ng bawat pangkat. Ang mga empleyado ay nahati sa apat na pangkat na may kanya-kanyang kulay na kinakatawan: Dilaw, Bughaw, Pula, at Luntian. Bawat isa ay naghanda ng kanilang malikhain at orihinal na komposisyon na may katumbas ding premyo sa may pinakamagandang yell. Sa huli, ang Pangkat Pula ang nakakuha ng premyo para dito.

Sa pagsapit ng tanghali, pansamantalang itinigil ang programa upang magsalo-salo sa mga pagkaing Pilipino. Napakaraming masasarap na putahe ang inihanda na siyang nagpatibay ng diwa ng pagbibigayan at pagsasalo sa biyaya ng kooperatiba.

Matapos ang pananghalian, masiglang ipinagpatuloy ang selebrasyon sa pamamagitan ng tagisan ng galing sa iba’t ibang “teambuilding activities”. Kanya-kanyang pagpapakita ng kanilang “cheer” at suporta ang bawat grupo. Nagkaroon ng tatlong laro: una, “Human Wheelbarrow” kung saan ipinakita ang pisikal na lakas ng bawat isa. Pangalawa, “Sack Race” kung saan nagpakita naman ng kaliksihan, at huli, kung saan lumahok ang lahat, “Building Cup Tower” na siyang nagpakita ng teamwork at disiplina. Ang mga palarong ito ay naging pagsubok ng pisikal na lakas, liksi, at pagkakaisa, na nagpatibay sa samahan ng bawat isa. Hindi nagpatinag ang mga kalahok at buong loob na hinarap ang hamon ng mga palaro, pinatunayan ang disiplina at katatagan ng bawat pangkat.

Nagkaroon din ng mga indibidwal na laro tulad ng Palo Sebo na nagbigay ng kakaibang saya. Ang nasabing laro na lalong nagbigay kulay sa selebrasyon ay sinubukan ng mga empleyado mula sa Pangkat Dilaw na sina Jay Vincent Largueza at Ron Kevin Sarabia maging ng retiradong empleyado na si Arturo Perrero, na bagamat may katandaan na ang edad ay napagtagumpayan pa rin ang pag-akyat sa tuktok. Tunay na nakakabilib ang bawat isa! Nagkaroon din ng habulan ng biik na nagdulot ng halakhakan at kasiyahan, lalo na nang si Randy Munda ng Pangkat Pula ang nakahuli ng biik at nanalo ng premyo.

Sa huling bahagi ng pagdiriwang idinaos ang “awarding ceremony”. Mayroong parangal para sa “Best Teamplayer” (individual) at mga parangal para sa pangkat na “Best Yell”, “Most Cooperative”, at “Team Palaban”. Ang parangal na “Best Teamplayer” ay iginawad kay Ron Kevin Sarabia ng Pangkat Dilaw dahil sa kanyang katangi-tanging pagganap sa lahat ng laro. Ang Pangkat Pula naman ang nakakuha ng “Best Yell”, dahil sa magandang mensaheng nilalaman ng kanilang orihinal na komposisyon, maging ang pagtatanghal nilang may kasama pang nakakatuwang mga hakbang habang ang Pangkat Bughaw ay kinilala bilang “Most Cooperative”. Sa Pangkat Luntian naman iginawad ang parangal para sa Team Palaban dahil sa kanilang katatagan at determinasyon sa bawat laro.

Sa taong ito ay ang Pangkat Dilaw ang itinanghal na overall champion sa teambuilding activities na sinundan ng Pangkat Bughaw (1st runner-up), Pangkat Pula (2nd runner-up), at Pangkat Luntian (3rd runner-up).

Sa pangkalahatan, ang pagdiriwang ay naging matagumpay at makabuluhan. Ang diwa ng pagbibigayan, pakikipagkapwa, at pagkakaisa ay patuloy na nabubuhay sa QUEZELCO II. Ang mga empleyado at mga dating kasapi ay umuwing puno ng inspirasyon at handang harapin ang mga susunod na taon ng kanilang serbisyo. Nawa'y magpatuloy ang liwanag ng QUEZELCO II, hindi lamang bilang isang kooperatiba, kundi bilang isang samahang nagpapalaganap ng biyaya ng liwanag sa bawat isa.